IWITNESS ANALYSIS
Ambulansyang de Paa
Napakahusay ng naging pagkukwento ni Bb. Kara David sa episodyong Ambulansya de Paa ng IWitness. Napili ko ang episodyong ito dahil nakuha nito ang atensyon ko habang naghahanap ako ng mga maaaring suriing dokumentaryo sa Internet. Lalo pa itong naging mas interesante nang makita ko na nakatanggap ito ng parangal mula sa Peabody Awards sa New York noong 2010. Ang episodyo ay tungkol sa problema ng kawalan ng sapat at accessible na medikal na pasilidad sa dalawang lugar sa Mindoro Oriental. Mula sa napiling paksa, paraan ng paghayag ng mga mahahalagang detalye ng host, hanggang sa audio-visual na nilalaman nito, bukod-tangi ang dokumentaryong ito kaya hindi na rin nakakapagtaka kung bakit ito pinarangalan.
Nagawang baguhin ni Kara ang imahe ng problema ng kakulangan ng medikal na pasilidad sa Mindoro Oriental; mula sa tila pagiging black and white, nagkaroon ng kulay at nakapukaw ng maraming atensyon ang problemang ito ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng paggamit ng epektibong lengguwahe ng host, naging mabisa rin ang pagpapahayag niya ng mensahe tungo sa mga manonood nito. Gumamit si Kara ng pagtutugma o rhyming sa maraming bahagi ng dokumentaryo tulad na lamang ng mga linyang 'tatlong dekada na silang humihingi ng ilaw at kalsada pero tila mailap talaga ang pag-asa' nang ilarawan niya ang kondisyon ng barangay Bansud sa Mindoro Oriental. Tugmaan din ang ginamit niya nang banggitin niya na 'sampung ilog pa raw ang tatawirin namin. Mahigit tatlong oras pa ang kanilang papasanin, at gagawin nila ito nang libre, kadugo man nila o hindi ang pasyente.' Napakalakas ng linyang ito nang tukuyin niya ang pagkakaroon ng mabuting kalooban ng mga residente ng barangay Bansud na handang magsilbing ambulansya at maglakad ng kilo-kilometrong layo para lamang mabuhat ang may sakit tungo sa pagamutan. Sa pagtatapos naman ng pagtampok sa unang bahagi o unang pasyente sa episodyo, gumamit na naman ang host ng pagtutugma sa linyang 'salamat sa mga ambulansyang de paa, nanumbalik kay Lowell ang pag-asa, pero marami pa sa mga taga-Bansud ang nagdurusa.' Dagdag pa rito, napakayaman ng naging deskripsyon ng host para ilarawan ang mga sitwasyon sa dokumentaryo. Hindi niya direktang sinabi sa mga manonood ang mga bagay-bagay; sa halip, idinaan niya ito sa makukulay na mga pang-uri at iba pang mga salita na makakatulong sa paglalarawan sa mga ito. Ilan sa mga halimbawa ng mga linya sa episodyo ay ang 'ang matagtag na dump truck, ang malalaking bato, ang mga kalsadang pangkalabaw pa rin' at ang linyang 'halos sampung taon nang nakakulong sa kanyang maliit na kubol si Lowell, animo'y presong sinintensyahan ng kamatayan. Sa totoo lamang, madali nang gamutin ang TB ngayon. Sa ibang bansa, matagal na itong nasugpo dahil sa libreng gamot na ibinibigay ng gobyerno. Pero sa layo ng mga taga rito sa siyudad, akala nila, isa pa rin tong sumpa.' May mga bahagi rin sa dokumentaryo na inilarawan ng host upang makapukaw ng damdamin katulad na lamang ng sabihin niyang 'nang umandar ang trak, pinalibutan nila si Lowell para salagin ang tagtag ng sasakyan. Hindi man nila kaano-ano ang binata, niyakap at inakay siya na parang anak ng komunidad.' At huli, epektibo rin ang paggamit ni Kara ng metapora sa pamamagitan ng paghahalintulad sa paa bilang isang ambulansya.
Mabisa ang pagkakapili ng dokumentaryo ng paksang itatampok. Ang problemang kakulangan sa accessible na pagamutan sa mga liblib na lugar at probinsya sa Pilipinas ay hindi na bago sa pandinig ng maraming Pilipino. Kabi-kabila ang mga balita kaugnay ng problemang ito ngunit sa kabila ng katagalan ng problemang ito ay hindi pa rin ito nabibigyan ng solusyon at hindi pa nareresolbahan nang buong-buo. Karapat-dapat lamang na itampok ang ganitong uri ng paksa at ipaliwanag ito nang mabuti sa maraming Pilipino sa pamamagitan ng isang dokumentaryo upang mas mamulat pa at mas ipaglaban ang pagsugpo sa ganitong uri ng suliranin sa bansa. Sa palagay ko ay nagsisilbing paalala ang Ambulansya de Paa na hindi pa rin patuloy na natatapos ang matagal nang problemang ito at marami pa ring kalusugan ang nagdurusa dahil dito.
Mahusay din ang naging pakikipag-ugnayan ni Kara David sa mga taong sangkot sa episodyong ito ng IWitness. Unang-una, nakapanayam niya ang mga key person o mga taong dapat kausapin upang makakuha ng sapat na kaalaman tungkol sa problemang itinatampok. Nakapanayam niya ang mga kamag-anak ng may sakit at tinanong kaugnay ng kalagayan nito. Nakausap din niya ang mga residente ng barangay Bansud na nagsisilbing duyan o ambulansya de paa. Nakapanayam din ni Kara ang alkalde ng lungsod na may sakop sa Sitio Dyandang at naitanong ang mahahalagang tanong tungkol sa mga plano nitong pangmedikal at pagsasaayos ng mga daanan upang maging mas accessible na ang mga pagamutan. Nakausap din niya ang mga doktor sa dalawang pagamutan na napuntahan niya kaugnay ng kalagayan ng kalusugan ng mga pasyente. Ikalawa, sa mismong lugar siya nagpalipas ng araw at natulog upang makipamuhay sa mga residente ng Barangay Bansud at Sitio Dyandang. Dagdag pa rito, naglakad din si Kara mula sa mga lugar na ito tungo sa pagamutan. Oras din ang binilang upang marating nila ang mga ito. Kinailangan niyang umakyat sa mga matataas na tipak ng bato, maglakad sa lubak na mga daanan, at lumusong sa putikan na lumala pa matapos bumuhos ang malakas na ulan. Nasira pa nga ang sapatos niya at natumba siya dahil sa makakapal na putik. Ikatlo, hindi nailang si Kara David sa mga taong may sakit na itinampok sa dokumentaryo. Nakihalubilo, nakipag-usap, at hinawakan ni Kara ang mga taong ito sa kabila ng pagkakaroon ng sakit, kabilang na ang lalaking may tuberculosis, ang batang nabuhusan ng kumukulong tubig na nasunog ang balat, at ang batang lumitaw ang bahagi ng pusod dahil sa nasirang bituka nito.
Bukod sa mga aspektong nasa itaas, mahusay din na idineliver ni Kara ang mga spiels niya. Walang eksena sa dokumentaryo na ipinakitang nasa loob siya ng isang studio; lahat ng mga eksena ay kinunan sa mismong lugar o probinsiya ng Mindoro Oriental. May mga bahaging iniulat niya habang umaaksyon o in-action at habang nakikihalubilo mismo sa mga tao sa lugar. Gumamit din ang dokumentaryo ng mga datos at statistics upang mas mapalalim pa ang pagpapaliwanag sa paksa. Ang mga ginamitan nito ng statistics ay ang populasyon ng bayan ng Bansud na aniya ay nasa 30, 000, datos ng DOH kaugnay ng 100 bayang wala niisa man lamang doktor, at ang mahigit apat na milyong bata sa Pilipinas na malnourished.
Sa kabuuan, napakahusay ng naging paglalahad ng impormasyon at pagkukwento ng episodyo na ito ng IWitness. Nagsilbi itong bagong lente upang makita ang katotohanan sa likod ng mga malalaking isyu na kinakaharap ng bansa at naging mikropono ito ng mga Pilipinong hindi nadidinig ang boses na patuloy pa ring nagdurusa.